Default Thumbnail

15 armas pandigma nabawi sa N. Samar encounter

May 10, 2023 Zaida I. Delos Reyes 150 views

AABOT sa 15 matataas na kalibre ng baril ang nakumpiska ng militar matapos ang pakikipagbakbakan sa mga rebelde nitong Miyerkules ng umaga sa Barangay Magsaysay, Mapanas, Northern Samar.

Ayon kay Capt. Jefferson M. Mariano, hepe ng Public Affairs Office ng 8th Infantry Division (ID) ng Philippine Army (PA), ang engkuwentro ay naganap sa pagitan ng 74th Infantry Battalion (IB) at Sub Regional Committee Arctic ng Eastern Visayan Regional Party Committee sa bulubunduking lugar sa nasabing probinsya.

Ikinasa ang operasyon ng militar matapos na ituro ng isang nagbalik-loob na rebelde ang kuta ng kanyang mga kasamahan. \

Nilusob umano ng militar ang kuta at naka-engkuwentro ang halos nasa 30 rebelde. Umabot ng 20 minuto ang bakbakan na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga armas.

Kabilang sa mga nakumpiska ang dalawang M14 rifles, dalawang AK47 rifles, dalawang M16 rifles, dalawang M4 rifles, isang ingram, isang Uzi submachine gun, isang homemade shotgun, tatlong caliber .45 pistol, isang 38 revolver, isang bandolier, 12 backpacks, at mga subersibong dokumento.

Agad namang pinapurihan ni 803rd IB Commander Colonel Efren Morados ang mga tauhan ng 74th IB dahil sa matagumpay na operasyon.

“We will relentlessly pursue them, for we are determined to put an end to their atrocities here in Northern Samar. Despite this, we are still offering you peace to start a new life with your loved ones. Lay down your arms and return to the fold of the law,” pahayag ni Morados.