14-man Manila rescue team ipinadala sa Naga
NAGPADALA ang Manila noong Huwebes ng gabi ng 14-man rescue team sa Naga City na labis na nasalanta ng bagyong Kristine.
Tumulak patungong Naga City ang team ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) dala ang mobile water filtration system, dalawang “Ondoy” rescue boats, dalawang rescue truck at isang transporter truck.
Sinabi ni Mayor Honey Lacuna na direkta silang nakipag-ugnayan ng MDRRMO sa mga opisyal ng Naga City upang ipabatid ang parating na tulong sa naturang lungsod.
“Help is coming. Maraming salamat sa inyo, mga kawani ng MDRRMO na tutulak papuntang Naga. Mag-ingat kayo,” pahayag ng alkalde sa mga bayanihan rescue team bago sila umalis ng dakong alas-6:00 ng gabi ng Huwebes.
Siniguro ni Lacuna sa mga Manileños na hindi kabawasan ang rescue team na ipinadala sa Naga upang maging handa ang lokal na pamahalaan sa epekto ng bagyong Kristine.
“Tinitiyak ko pong handang-handa pa rin po ang Maynila at sapat ang ating pwersa para tugunan ang anumang kakailanganin ng ating lungsod na may kinalaman sa anumang bagyo o sakuna kahit pa may rescue and emergency team tayong ipapadala sa Bicol,” sabi ng alkalde.