
14 ARAW NA SUSPENSYON
Gikan sa Masa, Para sa Masa ng SMNI sinuspendi ng MTRCB
PINATAWAN ng 14-araw na preventive suspension ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang programang “Gikan sa Masa, Para sa Masa” ng Sonshine Media Network International (SMNI) kaugnay ng inere nitong pagbabanta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang suspensyon ay ginawa ng MTRCB batay sa reklamo kaugnay ng pagbabanta at pagmumura umano ni Duterte sa programa noong Nobyembre 15, 2023, na posible umanong paglabag sa Section 3(c) ng Presidential Decree (PD) 1986.
“Upon careful review and consideration of recent events and complaints received by the Board, it has come to the Board’s attention that certain aspects of the program may be in violation of established guidelines and standards set by [PD 1986] and its Implementing Rules and Regulations (IRR) governing broadcasting content,” sabi ng MTRCB sa utos na may petsang Disyembre 14, 2023.
Ang MTRCB ay mayroong kapangyarihan na i-regulate ang mga programa sa telebisyon na maaaring hindi kanais-nais sa ilan, immoral, bastos, o labag sa batas at magandang kaugalian.
“To prevent the possible repetition of these alleged infractions which may pose negative impact on public welfare, ethical considerations, and the overall reputation of the broadcasting industry, this Board determines the need to preventively suspend the subject program by virtue of Section 3, Chapter XIII of the [IRR],” sabi pa sa inilabas na utos ng ahensya.
Ang suspensyon ay agad na magiging epektibo kapag natanggap ito ng SMNI, upang magbigay daan sa malalimang imbestigasyon na gagawin ng MTRCB.
Sa kinukuwestyong episode, sinabi ni dating Pangulong Duterte na handa itong makulong diumano matapos na makatanggap ng subpoena kaugnay ng isinampang kaso sa kanya ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro.
“Magpakulong na lang ako. Kasi wala naman akong… Ino-oppress ako ni France,” sabi ni Duterte kaugnay ng subpoena na inilabas ng Quezon City Prosecutor’s Office kay Duterte noong Nobyembre 15.
“Pero paglabas ko talagang, paglabas ko sa, magpakulong ako, paglabas ko, hanapin [muted]. Alam mo nakikinig lahat ng military, intelligence community. Akala mo happy ‘yan sila?” dagdag pa ni Duterte.
Nagmura rin umano si Duterte sa programa.
Sina Duterte at Castro ay ipinatawag ng QC Prosecutor’s Office noong Disyembre 4 at 11. Hindi naman sumipot si Duterte.
Ang kaso ay nag-ugat sa pahayag ni Duterte kung saan sinabi nito na si Castro ay komunista at nagpahayag ng pagbabanta rito.
Si Castro ay kilalang kritiko ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education, na kapuwa pinamumunuan ng anak ni Duterte na si Vice President Sara Duterte-Carpio.
Kinukuwestyon ni Castro kung papaanong naubos ni Duterte-Carpio ang P125 milyong confidential fund ng OVP sa loob ng 11 araw, batay sa ulat ng Commission on Audit.
Sa kabila ng inilabas na subpoena ay nagpatuloy sa pag-atake si Duterte kay Castro.
“Kaya ikaw, France (Castro), how do you solve the problem now? Kaya ‘yung statement kong komunista patayin, kasali ka – dapat!” sabi ng dating Pangulo sa programa.
Ayon sa MTRCB, ang pagpapataw nito ng suspensyon ay batay sa Section 3(d) ng PD 1986 at Section 3, Chapter XIII ng 2004 IRR.
Ang mga nabanggit na probisyon ng batas para sa pagpapataw ng preventive suspension ay pinagtibay ng desisyon ng Korte Suprema sa Soriano vs. Laguardia case.