Default Thumbnail

13th month para sa mga kontraktuwal

December 13, 2022 Paul M. Gutierrez 381 views

PaulBAGO ang lahat, mainit munang pagbati natin sa ating magaling at matikas na kaibigan na si ex-PNP Chief Gjuillermo ‘Guillor’ Eleazar, sa kanyang kaarawan kahapon, araw ng Martes, Disyembre 13, 2022.

Sa ipinakita niyang galing at husay bilang pulis at lingkod-bayan, hanggang ngayon ay hindi maiwasan na ikumpara siya sa mga kasalukuyang opisyal ng PNP.

Muli, mainit na pagbati, Gen. Eleazar at siyempre, mabuhay ka… hanggang gusto mo!

Teka, wala ka bang painom sa tropa mo sa National Press Club, hehehe!

***

Inihain ni Las Piñas City Rep. Camille Villar ang House Bill 6541 sa Kamara na naglalayong mabigyan ng 13th month pay ang mga kontraktuwal at job order partikular sa gobyerno.

Nakasaad dito na dapat umanong tumanggap ang isang kontraktuwal na hindi bababa sa kalahati ng buwanang sahod nito.

Alam naman po nating lahat na talaga namang laganap ang kontraktuwalisasyon sa publiko at pribadong mga kompanya dahil sa dito talagang nakakatipid o tinitipid ang mga manggagawa.

Maliban sa mas mababa ang kanilang sinasahod kumpara sa mga regular hindi rin sila nabibigyan ng mga benepisyo.

Ito po ang katotohanan kung bakit mahirap para sa mga nasa gobyerno na nagpapasa ng mga batas para mailusot na ipagbawal ang kontraktuwalisasyon dahil maraming kompanya ang nakikinabang dito.

Matapos ang tatlo o limang buwan na kontrata, hindi na ire-renew para makaiwas na maging regular.

Iyan naman po talaga ang tunay na kalakaran diyan. At maging gobyerno ay mayroon at marami ding mga kontraktuwal. Sa katunayan, gobyerno (public sector) ang numero unong “kunsintidor” sa labor only contracting, bagay na hindi naman talaga maiiwasan dahil sa samu’t-samong mga dahilan.

Sabihin na nating bahagi talaga ng sistema o proseso ang pagiging kontraktuwal para malaman kung maganda ba talaga ng performance at karapat-dapat na maging regular. Hindi nga naman pwedeng regular kaagad dahil baka nga naman sumablay pa.

Ito siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit pinapayagan ang kontraktuwalisasyon. Para magkaroon ng pagkakataon ang mga kompanya o negosyo na makilatis mabuti sa trabaho ang kanilang mga empleyado.

Pero sa gana pong atin at sa karanasan po na nakikita natin ay inabuso po ang ganitong sistema. Kaya naman laganap na laganap at kitang-kita ang problemang ito pero walang solusyon na nagagawa para dito.

Kaya naman marami sa mga kababayan natin ang palipat-lipat sa trabaho dahil matapos ang kanilang kontrata ay mag-aapply ulit sa iba.

Panibagong gastos ulit ng police clearance, NBI clearance, medical clearance at iba’t ibang requirements para lamang magkaroon ulit ng trabaho.

Kaya naman isang malaking tulong at magandang balita ang panukalang batas na ito ni Rep. Villar.

Kung papalarin na makapasa ay talagang tiyak na maraming mga empleyado ng gobyerno na kontraktuwal at job order ang makikinabang dito.

Sa ganang atin dapat lamang lalo na yung mga nagre-renew lagi ng kanilang mga kontrata.

Dahil may mga kontraktuwal na taon na ang binibilang at hinihintay na lamang maregular o magkaroon ng plantilla.

Ito man lamang ay mabigyan sila ng malaking konsuwelo sa gobyerno na kanilang pinagsisilbihan din naman.

Alam natin na may mga masasalimuot pa na usapin at kailangang isaalang-alang gaya ng tagal ng pagiging kontraktuwal, saan kukuha ng pondo, ang klase at kalidad ng trabaho sa gobyerno.

Pero magandang pag-usad na nagkaroon ng batas para dito kesa sa hindi pinag-uusapan.

Ang isa lang na hinihintay natin ay paano kaya ang mga nasa pribadong sektor?

Dahil alam naman natin na pare-parehong manggagawa din ang mga ito at alam natin na ganoon din ang marami sa kanila.

Bagamat alam natin na magkaiba ang katangian ng mga publiko at pribadong sektor kailangan talaga ng hiwalay na batas para dito. Magkakaiba din naman ang kakayanan ng bawat negosyo kung ano ang kanilang kakayanin.

Kaya lang ang tanong, sa mga mambabatas natin sino kaya ang mangunguna na magpanukala ng batas na katulad ng kay Rep. Villar para sa pribadong sektor?

Isa pang tanong natin ay kung magiging prayoridad kaya ito ng kasalukuyang administrasyon? Dahil alam naman natin na ang mga batas kung minsan ay nasa prayoridad ng nasa kapangyarihan.

Tignan na lang natin kung paano uusad sa Kamara at Senado ang panukalang batas na ito. Marami kaya ang matutuwa o marami ang madidismaya at iiyak?

Abangan.

AUTHOR PROFILE