PCG

13 crew, pasahero nailigtas sa nasiraang barko sa Basilan

September 8, 2023 Zaida I. Delos Reyes 357 views

NAILIGTAS ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang may 13 pasahero at tripulante ng barko na nasiraan sa karagatang sakop ng Dasalan Island, Hadji Muhtamad, Basilan nitong Huwebes ng umaga.

Batay sa ulat ng PCG, ang mga biktima ay lulan ng M/V SR Express na nasiraan sa 10 nautical miles mula sa Dasalan Island.

Galing umano ang barko sa Zamboanga City patungo sa Pangutaran Sulu nang magkaproblema ang makina nito dakong 12:00 ng madaling araw.

Agad nakahingi ng tulong ang kapitan ng barko sa Coast Guard Station sa Basilan .

Mabilisang ipinadala ni Coast Guard Station Basilan Commander CG CDR Chadley S Salahuddin ang Coast Guard Sub-Station Handi Muhtamad upang hanapin ang nasiraang barko.

Makalipas ang isang oras ay natagpuan ang barko at agad na tinulungan ang mga pasahero at tripulante nito na makalipat sa ligtas na lugar.

Sa tulong ng local government unit ng Hadji Muhtamad ay tagumpay na nahila ang barko patungo sa Barangay Tausan, Pilas Island, Hadji Muhtamad, Basilan para sa kaukulang disposisyon.