13-anyos sampung buwang ginawang sex slave ng ama

November 14, 2021 Edd Reyes 70 views

NAGWAKAS ang 10-buwang pagiging sex slave ng 13-anyos na batang babae sa kamay ng sariling ama nang tuluyang madakip ng pulisya ang suspek Biyernes ng gabi sa Valenzuela City.

Nagsimula ang kalbaryo ng Grade 8 student na itinago sa alyas “Doris” noong buwan ng Enero ng kasalukuyang taon habang nagtatrabaho bilang overseas Filipino worker (OFW) ang kanyang ina kaya’t ang ama at kanyang tiyahin na kapatid ng ina ang nagsilbi niyang tagapag-alaga.

Simula noon, sa tuwing aalis ang tiyahin ng biktima, pinagsasamantalahan ng suspek ang kanyang anak at ang pinakahuli ay nito lamang Huwebes, Nobyembre 11, dakong alas-9 ng gabi nang muli umanong gapangin at halayin ng ama ang kanyang anak.

Kinabukasan, Nobyembre 12, umalis ng walang paalam si Doris ng dakong alas-9 ng gabi kaya’t hinanap siya ng kanyang tiyahin na labis na nag-aalala hanggang makausap niya ang kapatid na lalaki na tiyuhin ng bata at sinabing nagsumbong ang pamangkin sa kinakasama niyang si Treacious Jeng De Guzman kaugnay sa ginagawang panghahalay ng kanyang sariling ama.

Dahil dito’y puspusan ang ginawa nilang paghahanap sa bata hanggang mamataan ni De Guzman ang biktima na nagtatago sa isang milk tea store sa Elsewhere St., Malanday habang walang tigil sa kaiiyak.

Nagkataon namang nagpapatrulya sa naturang lugar sina P/SMSgt. Roberto Santillan, P/Cpl. Joel Carorocan at Pat. Frederick Ignacio ng Dalandanan Police Sub-Station-6, sakay ng isang police mobile car, kaya’t humingi na sa kanila ng tulong ang tiyahin ng biktima.

Kaagad namang kumilos ang mga pulis nang malaman ang pangyayari na nagresulta sa pagkakadakip sa 34-anyos na suspek na hindi muna binanggit ang pangalan upang mapangalagaan ang katauhan ng batang biktima.

Kasong Incestuous Rape in Relation to R.A 7610 ang isinampa nina P/MSgt. Jennifer Delas Nadas at P/Cpl. Nadine Isidro ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Valenzuela police laban sa ama ng biktima sa piskalya ng Valenzuela City.

AUTHOR PROFILE