13-anyos na lalaki nasalpok ng bus sa EDSA, patay agad
DEAD on the spot ang isang 13-anyos na lalaki matapos na masalpok ng isang bus habang tumatawid sa EDSA busway nitong Huwebes ng madaling araw sa Quezon City.
Ayon sa report ng Quezon City Police Traffic Sector 6 ang biktima ay residente ng Sitio Pajo, Pag-asa Street, Brgy. Baesa, Quezon City.
Nangyari ang aksidente dakong ala 1 ng madaling araw sa EDSA Bus Carousel Darrio Bridge, Brgy. Apolonio Samson, Quezon City.
Lumilitaw na papatawid ang biktima kasama ang kanyang kaibigan nang mahagip ng bus patungong Northbound.
Ayon sa kaibigan ng biktima, tumawid sila papuntang bus lane upang manguha ng kahoy na panggatong nang mabangga ang binatilyo ng isa sa mga carousel bus.
Sinubukan niyang habulin ang bus subalit tuluy tuloy ito sa pag arangkada.
Apela naman ng lola ng biktima sa drive ng bus na sumuko na lamang at papanagutan ang kaso.
Patuloy ang imbestigasyon ng Quezon City Police Traffic Sector 6 upang matukoy ang sangkot na bus sa insidente.