12K-plus vehicles huli ng LTO sa ‘no registration, no travel’ policy
NAHULI ng mga enforcer ng Land Transportation Office (LTO) noong Hulyo ang mahigit 12,000 sasakyan na lumalabag sa “No Registration, No Travel” policy.
Pinuri ni LTO chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang mga regional directors at iba pang opisyal ng LTO sa kanilang agresibong operasyon laban sa mga hindi rehistradong sasakyan.
Ayon kay Mendoza, tanging sa pamamagitan lamang ng pagpaparehistro ng mga sasakyan matitiyak ang road worthiness ng isang sasakyan at binibigyang-diin ang kahalagahan nito lalo na sa mga sasakyang ginagamit para sa pampublikong transportasyon.
“Magpapatuloy ang ating agresibong kampanya laban sa mga delinquent vehicle owners. I would like to remind our motorists that vehicle ownership comes with an obligation to register and renew the registration,” ani Mendoza.
Batay sa datos ng LTO, 11,521 sa mga nahuling sasakyan ang nabigyan ng traffic violation ticket habang 1,531 ang na-impound.
Kabilang sa mga nahuli ang 1,478 private vans at 23 vans na ginagamit para sa pampublikong transportasyon habang 355 trucks at 95 SUVs din ang nahuli.
Sa kabilang banda, 69 public utility jeepneys at walong bus na ginagamit para sa pampublikong transportasyon ang nahuli.
Naa kabuuang 7,459 motorsiklo at 1,936 tricycle ang nahuli din.
Batay sa datos, ang LTO Calabarzon ang may pinakamaraming nahuli na hindi rehistradong sasakyan. Umaabot sa 5,204 na sasakyan ang mga nahuli at 403 dito ang na impound.
Samantala, umabot sa 223 colorum na sasakyan ang nahuli noong Hulyo sa agresibong anti-colorum drive.