129 ambulansya ipinamahagi ni PBBM sa iba’t ibang LGU
AABOT sa 129 na ambulansya ang ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa iba’t-ibang local government units bilang bahagi ng pagpapalawak sa health services sa mga Filipino.
Sa turnover ceremony sa Quirino grandstand sa Manila, 87 na LGUs sa Calabarzon ang binigyan ng ambulansya, 25 sa Bicol, walo sa Central Luzon, anim sa Cordillera Administrative Region at tatlo sa Cagayan Valley.
Nabatid na ang pamamahagi ng ambulansya o patient transport vehicles (PTVs) bahagi ng Philippine Charity Sweepstakes Office’s (PCSO) Medical Transport Vehicle Donation Program (MTVDP) na naglalayong pagandahin at palakasin ang healthcare delivery system sa mga mahihirap na rehiyon.
Nagkakahalaga ang bawat ambulansya ng P2.1 milyon at may mga medical tools gaya ng stretcher, oxygen tank, blood pressure monitor at wheelchair.
Sa kasalukuyan, nasa 356 na ambulansya na ang naipamigay ng administrasyong Marcos.
Nasa P2.2 bilyong pondo ang inaprubahan ni Pangulong Marcos para sa pagbili ng 1,000 ambulansya.
Utos ni Pangulong Marcos sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na huwag haluan ng pulitika ang pamamahagi ng ambulansya.
“Dapat hindi na pinu-politika ‘yan dahil alam ko naman ang sistema na nung governor ako kung malakas ka, makakakuha ka ng ambulance.
Kung hindi ka malakas mababa ka sa listahan,” pahayag ni Pangulong Marcos.