11 tiklo sa P25M smuggled na sigarilyo sa Zambo City

December 10, 2022 Zaida I. Delos Reyes 129 views

UMAABOT sa P25 milyong halaga ng “smuggled” na sigarilyo ang nasabat habang 11 katao ang naaresto sa isinagawang operasyon ng Bureau of Customs (BOC) sa Zamboanga City.

Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, nagsasagawa ng patrol operation ang pinagsanib na pwersa ng BOC, Water Patrol Division (WPD) at Enforcement and Security Service-Customs Police Division (ESS-CPD) sa karagatang sakop ng Barangay Sta Cruz nang mamataan ng mga ito ang isang bangkang de motor.

Agad na ininspeksyon ng mga awtoridad ang bangka at tumambad sa kanilang harapan ang 707 master cases ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P25 milyon.

Ayon sa ulat, walang maipakitang kaukulang dokumento ang mga crew ng bangka na magpapatunay na legal ang mga sigarilyong nakasakay sa kanilang bangka.

Dahil dito, agad na inaresto ang 11 crew na hindi na pinangalanan at kinumpiska ang mga sigarilyo at dinala sa tanggapan ng BOC sa naturang lungsod para sa kaukulang disposisyon.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na ang mga sigarilyo ay mula sa isla ng Pangutaram, Sulu patungong Bgy. Baliwasan, Zamboanga City.

Inihahanda naman ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 10863 na mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act of 2016 laban sa mga nasa likod ng ilegal na pagbibiyahe ng mga kontrabando.