Default Thumbnail

100 porsiyentong foreign ownership susi sa pag-unlad ng bansa

January 29, 2023 Tess Lapuz-Lardizabal 328 views

Tess LardizabalAKO ay naniniwala na ang pagbibigay ng 100 porsiyento “foreign ownership” sa negosyo ang siyang magsisilbing daan at susi sa pag-unlad ng bansa.

Lilikha kasi ito ng maraming trabaho at hindi na kailangan pang mangibang bansa ang mga Filipino para buhayin ang kani-kanilang pamilya at pag-aralin hanggang mapagtapos sa kolehiyo ang kanilang mga anak na siyang susunod na henerasyon.

Magiging tuloy-tuloy ang pag-unlad ng bansa, pag-unlad sa kabuhayan at lahat ng Pinoy ay magkakaroon ng trabaho, aasenso ang buhay ng bawa isa.
Sa ganang akin ay napapanahon na ang pag-susulong ng Charter Change pero sa economic provision.

Walang kuwestiyon ang hanay ng mga economic minds na ang Maharlika Investment Fund (MIF) ang siyang magbibigay ng kinakailangang puwersa para sa 2028 vision ni Pang. Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. na maiangat ang kalidad ng buhay ng mga Pinoy sa middle-income level.

Ito ang dahilan kung bakit nagdesisyon ang Pangulo na ibida ang bansa sa pagtitipon ng mga tycoons, government at business leaders mula sa apat na sulok ng mundo.

Nais niyang kumbinsihin ang mga kalahok na makikinabang sila at walang mawawala sa kanila kung pipiliin nilang makibahagi sa pagsusumikap ng bansa na ma-realize ang ating potential sustained at dynamic growth.

Si Pangulong Marcos lamang ang nag-iisang ASEAN leader, at isa sa tanging dalawang lider mula sa Asya, na imbitado sa World Economic Forum (WEF) na idinaos sa Davos Switzerland.

Buo ang aking tiwala na ang House of Representatives sa ilalim ng pangangasiwa ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay maisusulong na ang kinakailangang pag-amyenda sa charter.

Iminungkahi ni House of Representatives ways and means committee chair Joey Salceda na ang panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) ay maging private sector-driven at ang seed money ay dapat pagmulan mula sa securitization ng mga dibidendo mula sa government-owned and -controlled corporations (GOCCs).

Sinabi ni Salceda na ang mga dibidendo ng GOCC, o “real surpluses,” ay dapat gamitin bilang paunang pondo para sa MIF na magiging isang listed company sa Philippine stock market at gagawing mas kaakit-akit ang MIF sa mga dayuhang mamumuhunan.

Ang isang bagong bersyon ng MIF ay maaaring magbukas nito sa mga dayuhang mamumuhunan, kabilang ang mga kilalang multilateral na institusyon, upang gawin itong mas “private sector-driven,” ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno.

Sinabi ni Diokno na kapag naitatag na, ang mga dayuhang mamumuhunan ay maaaring magdala ng mas maraming pondo sa MIF para sa mahahalagang proyektong pang-imprastraktura ng administrasyon.

Ang paglahok kamakailan ni Pangulong Marcos sa WEF sa Davos, Switzerland ay sumasalamin sa kanyang independiyenteng foreign policy ng pagpapanatili ng matalik na relasyon sa ibang mga bansa, kung saan maaari nitong palawakin ang kooperasyong pang-ekonomiya at two-way trade.

Ito ay bahagi ng isang independiyenteng patakarang panlabas na nakasaad sa 1987 Constitution na ipinakita ng kanyang pahayag sa simula pa lamang na sa ilalim ng kanyang administrasyon ang Pilipinas ay magiging “friend to all, enemy to none”.

Kamakailan lamang, patuloy na binabanggit ng Pangulo ang economic developments ng bansa sa United Nations General Assembly, Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summits sa Cambodia, Asia-Pacific Economic Cooperation meeting sa Bangkok, at sa kanyang pagbisita sa China nitong unang bahagi ng Enero, 2023.

Epektibo niyang naihatid ang determinadong paghahangad ng bansa sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya sa Davos, at ito ang parehong mensahe na ihahatid niya sa kanyang state visit sa Japan at United States sa huling bahagi ng taong ito.

Ang susunod na mahalagang hakbang ay ang ganap na buksan ang pinto sa mga dayuhang mamumuhunan, na siyang susi sa pagkakaroon ng mas mahusay na negosyo.

Ang MIF ay mahusay na pagsasama-sama ng mga pondo, kabilang ang mga dayuhang pondo, na tutulong sa upang makabangon ang negosyo mula sa pagbagsak nito sa nakalipas na dalawang taong lockdown dahil sa Covid-19 pandemic panic.

Ngunit ilang taon bago ang pandemya ng Covid-19, ang mga lider ng negosyo at eksperto ay nagmungkahi ng mga posibleng pag-amyenda sa 1987 Constitution na naglilimita sa dayuhang pagmamay-ari ng lupa at negosyo sa 40% lamang at itinatabi ang iba pang 60% na eksklusibo sa mga mamamayang Pilipino o mga korporasyon.

Ang naturang outdated scenario ay walang alinlangan na nagpabagal o nagpatigil sa daloy ng foreign capital sa ekonomiya ng bansa.

Kung ang mga dayuhang pamumuhunan ay pahihintulutang magkaroon ng 100% pagmamay-ari, tiyak na makikita natin ang malawakang pagpasok ng dayuhang kapital sa bansa.

Noong 2021, ang nangungunang dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas ay ang Singapore, na may investiments na tinatayang nasa P80.2 bilyon.