Yarra

10 suspek sa hazing arestado

June 4, 2022 Gil Aman 124 views

SAMPUNG lalaki ang arestado sa manhunt operations sa Kalayaan, Laguna nitong Huwebes matapos akusahan na sangkot umano ang mga ito sa hazing incident na nagresulta sa pagkamatay ng isang 18-anyos na estudyante.

Ayon sa ulat ni Laguna Police Provincial Director, Colonel Cecilio R. Ison Jr. kay Calabarzon Police Regional Director, PBGen. Antonio C. Yarra, ang pagka-aresto sa 10 akusado sa hazing ay bunsod ng sunud-sunod na operasyon ng pulisya.

Unang naaresto ng Kalayaan police sa manhunt operation sa ganap na 6:45 p.m. sa kanilang tinitirhan sa Bgy. San Juan, Kalayaan, Laguna ang dalawang akusado.

Kasunod namang inaresto dakong alas 8:16 ng gabi sa Purok 1, Bgy. San Juan, Kalayaan ang tatlo pang akusado.

Naaresto rin ng Kalayaan police ang lima pang akusado bunsod ng manhunt operation sa ganap na 10:05 ng gabi sa Purok 1, Bgy. San Juan sa Kalayaan.

Isinagawa ang mga operations sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 28 sa Sta. Cruz, Laguna sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018, o Republic Act No. 11053.

Hinggil dito, magugunitang noong May 4, 2022, ay sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 ang mga suspek na mga opisyal ng isang fraternity.

Sangkot umano ang mga akusado sa diumano’y hazing incident na nangyari noong March 20, 2022, sa Twin Falls sa Bgy. San Juan, Kalayaan kung saan sumailalim umano sa initiation rites at nagtamo ng severe physical injuries ang biktima na isang senior high school student at residente ng Purok 1C, Bgy. Longos, KaIayaan na naging sanhi ng pagkamatay nito.

“Ito ay patunay sa pagpapatupad ng pamahalaan ng batas nang may buong pwersa at lakas laban sa hazing,” sabi ni Izon.

“Let us not forget that fraternal contract should not be signed in blood, celebrated with pain, marred by injuries, and perpetrated through suffering; otherwise, the law shall pursue you,” ani Yarra.

AUTHOR PROFILE