10 ex-NCRPO-RDEU members abswelto sa kasong kidnapping
DAHIL sa kakulangan ng ebidensiya at testigo, sampung dating tauhan ng National Capital Region Police Office Regional Drug Enforcement Unit (NCRPO-RDEU) ang inabsuwelto na ng Department of Justice at Philippine National Police sa mga kasong kriminal at administratibo makalipas ang halos dalawang taon ng masusing pagsisiyasat, napag-alaman ng People’s Tonight.
Matatandaan na ang 10 na pinangungunahan in Lieutenant Colonel Ryan Jay E. Orapa ay inakusahan ng National Bureau of Investigation ng diumano’y pagdukot sa apat na hinihinalang drug personalities sa Cavite noong 2022.
Mahigpit na itinanggi ng mga naturang pulis ang mga paratang laban sa kanila at hinarap nila ang kanilang mga kaso sa DOJ. Maliban sa isa na natanggal sa serbisyo dahil sa ibang kaso, ang natitirang siyam ay balik na sa serbisyo bilang bahagi ng Philippine National Drug Enforcement Group (PNP-DEG).
Bukod kay Lt. Col. Orapa, ang iba pang mga opisyal na napawalang-sala mula sa mga kasong administratibo tulad ng grave misconduct, conduct unbecoming of a police officer, oppression, at grave dishonesty ay sina Lieutenant Jesus P. Menes, Staff Sergeants Roy G. Pioquinto, Robert Allan E. Raz Jr., Denar S. Roda, at Alfredo U. Andes, at mga Corporals Alric M. Natividad, Ronald John V. Lanara, Reynaldo G. Seno Jr., Troy V. Paragas, Ronald R. Montibon, Ruscel DC Soloman, Christal Rhine B. Rosita, at Jovelyn O. Tamagos.
“Nais lamang naming ipagtanggol ang aming pangalan dahil kami at ang aming pamilya ay dumaan sa matinding pagsubok dulot ng negatibong publisidad mula sa mga walang basehang akusasyon laban sa amin,” pahayag ni Lt. Col. Orapa na miyembro ng PNP Academy Class 2010 sa isang panayam sa People’s Tonight.
Sa kasalukuyan ay balik na sa trabaho sina Lt. Col. Orapa at walong iba pa samantalang si Cpl. Paragas ay minalas na matanggal sa serbisyo dahil sa isang hiwalay na kaso kung saan siya ay rumisponde at tumugon sa tawag ng trabaho mula sa isang babae na inaabuso sa Maynila.
Si Paragas na noon ay off-duty ay inakusahan ng “manhandling’ ng suspek at sinampahan ng mga kaso.
Ayon kay Lt. Col. Orapa, siya at ang kanyang mga tauhan kasama ang kani-kanilang mga pamilya ay dumaan sa matinding pagdurusa matapos silang imbestigahan ng NBI Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) dahil sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code, pati na rin sa paglabag sa Republic Act 10353 o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012, at Perjury o pagsusumite ng maling testimonya sa ilalim ng R.A. 11594.
Inihain ang mga kasong ito ng NBI-TFAID sa DOJ matapos ang kanilang imbestigasyon sa umano’y pagdukot noong Abril 13, 2021 sa apat na lalaki na kinilalang sina Gio Jordie Mateos, Mico Franco Mateos, Garry Matreo Jr., at Ronaldo Añonuevo.
Gayunpaman, noong Enero 12, 2023, isang resolusyon mula kay DOJ Assistant State Prosecutor Honey Rose E. Delgado ang nagrekomendang ibasura ang mga kasong kriminal laban kina Lt. Col. Orapa at iba pang akusado dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Ayon sa resolusyon, hindi malinaw na nakita sa CCTV footage mula sa isang coffee shop sa Tagaytay City ang mga akusado, kaya’t mahirap, kung hindi man imposible, ang pagtukoy sa kanila.
Bagama’t kapareho ng mga sasakyan ng mga akusado ang nakuhanan ng CCTV, hindi rin umano malinaw ang petsa at oras ng post-kidnapping footage na nagpapakita ng mga sasakyan patungo sa Camp Bagong Diwa matapos ang pagdukot. Dagdag pa ng DOJ, hindi sapat ang ebidensya ng NBI-TFAID upang patunayan ang pagkakasala ng mga akusado.
Noong Marso 30, 2023, walong ahente ng NBI-TFAID na pinamumunuan ni Attorney Ross Jonathan V. Galicia ang pumirma sa isang Motion to Withdraw sa kanilang mga reklamo laban sa mga akusado upang mabigyan ng hustisya ang lahat ng panig.
Kasunod ng desisyon ng DOJ at pag-atras ng mga kaso, noong Nobyembre 17, 2023, iniutos ni dating PNP Chief General Benjamin C. Acorda Jr. ang pagbabasura sa mga kasong administratibo laban kina Orapa at 21 iba pang miyembro ng NCRPO-RDEU dahil sa kakulangan ng matibay na ebidensya.
“Dahil hindi napatunayan ng lubos ang mga kaso ng kidnapping, serious illegal detention, at enforced disappearances, walang basehan upang magpatuloy ang mga paratang ng oppression, conduct unbecoming of a police officer, o neglect of duty,” ayon sa ruling ng dismissal ng administratibong kaso.