Default Thumbnail

10 drug suspek tiklo sa P115K shabu

June 23, 2022 Melnie Ragasa-limena 229 views

SAMPUNG drug suspect na kinabibilangan ng magkapatid ang naaresto at nakumpiskahan ng aabot sa P115,600 na halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Quezon City, ayon sa ulat nitong Huwebes.

Sa Cubao Police Station (PS 7) sa pamumuno ni P/Lt. Col. Joseph Euje Almaquer, naaresto ang dalawang suspek na pawang residente ng Bgy. San Martin De Porres, Cubao.

Sila ay nadakip dakong 8:10 ng gabi, Hunyo 22, sa Golan Alley, Bgy. San Martin De Porres, Cubao, at nakumpiskahan ng 12 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P81,600.

Samantala, sa ikinasang buy-bust operation ng La Loma Police Station (PS 1) sa pamumuno ni P/Lt. Col. Garman Manabat, inaresto ang isang suspek na naninirahan sa Bgy. Sto. Domingo, QC, bandang 12:10 ng madaling araw, Hunyo 23 sa Don Pepe St., Bgy. Sto. Domingo at nakumpiska ang tatlong pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P6,800 at buy-bust money.

Nadakma naman ng Batasan Police Station (PS 6) ang isang taga-Bgy. Commonwealth, QC, dakong 8:30 ng gabi, Hunyo 22, sa Martan St., Bgy. Commonwealth, at nakumpiska ang anim na pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P13,600.

Nahuli naman ng mga tauhan ng Galas Police Station (PS 11) ang dalawang suspek dakong 11:25 ng gabi, Hunyo 22 sa Bgy. Doña Imelda, at nakumpiska ang tatlong pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P6,800, isang cellphone, at buy-bust money.

Inaresto din ang dalawang magkapatid sa ikinasang buy-bust operation ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) dakong 1:30 ng madaling araw, Hunyo 23, sa Bgy. Payatas, sa lungsod.

Ang magkapatid na suspek ay kapwa residente ng Bgy. Payatas at nakumpiska mula sa kanila ang apat na pakete ng shabu na may halagang P6,800 at ang buy-bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.