Default Thumbnail

1 tigok sa agawan ng customer sa QC

February 25, 2024 Melnie Ragasa-limena 83 views

NAUWI sa saksakan at ikinamatay ng isa ang agawan sa customer ng dalawang fruit vendors sa Quezon City noong Sabado.

Kinilala ang biktima na si alyas Toto, nasa edad 35-40, at arestado naman ang suspek na isa ring vendor.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang alas-8:21 ng gabi nang mangyari ang pananaksak sa harap ng Francisco Realty Dev. Corp. building, sa EDSA, Brgy. West Kamias, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon, nakita ng mga bystander na nagtatalo ang biktima at suspek tungkol sa kanilang customer.

Maya-maya ay kumuha umano ng screwdriver ang suspek at tinarakan sa likod ang biktima saka tumakas.

Isinugod ang biktima sa East Avenue Medical Center ngunit idineklara itong patay dakong alas-8:58 ng gabi ni Dr. Jian Carlo Gonzales, ang attending physician.

Sa hot pursuit operation na ikinasa nina PCpl Mark Kenneth Bolinao at Pat Joko Dave Cua ay natunton ang kinaroroonan ng suspek at inaresto.

Nasamsam sa suspek ang screwdriver at ngayo’y nahaharap sa kasong murder.