
1 suspek sa MSU bombing timbog
NAARESTO ng militar sa operasyon sa Marawi City ang isa sa mga pinaniniwalaang suspek sa pambobomba sa Mindanao State University (MSU) noong Linggo.
Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Public Affairs Office (AFP-PAO) chief Colonel Xerxes Trinidad ang suspect na si Jaffar Gamo Sultan alyas Jaf at Kurot.
Naaresto noong Miyerkules si Sultan sa Brgy. Dulay proper, Marawi City.
Sinabi ni Trinidad na kasama si Sultan ng isang alyas Omar na siya umanong naglagay ng improvised explosive device sa Dimaporo gymnasium sa loob ng unibersidad.
Dalawang motorsiklo din ang nakuha sa operasyon.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang operasyon ng mga awtoridad upang maaresto ang iba pang suspects sa krimen.
Apat katao ang nasawi at maraming ang nasugatan sa pagsabog sa loob ng MSU gym sa kasagsagan ng misa na dinaluhan ng mga estudiyante at guro.
Ikinatuwa ni MSU Marawi Board of Regents Secretary Atty. Shidik Abantas ang pagkakaaresto sa suspect.