Default Thumbnail

1 patay sa salpukan ng 2 motorsiklo

July 18, 2022 Jonjon Reyes 365 views

NAGSALPUKAN ang dalawang rider nang hindi na mapigilan ang mga preno ng kanilang mga motorsiklo dulot ng madulas na daan sa intersection sa kahabaan ng Santol at Valejos Streets sa Sampaloc, Maynila, Linggo ng gabi.

Dead on the spot ang isa sa biktima na nakilalang si Michael Evangelista, nasa hustong gulang ng Parañaque City.

Samantala, patuloy namang inoobserbahan sa UERM hospital ang isa pang biktima na nakilalang si Leonardo Mantica, residente ng Sampaloc, Manila.

Batay sa ulat na ibinigay ni P/Cpl. Eric Jay Despabiladero, kay P/Maj. Anthony Coyle Olgado, Officer-in-Charge ng Manila District Traffic Enforcement Unit, pasado alas-7:45 ng gabi nang maganap ang aksidente sa panulukan ng Santol at Valejos Sts., sa Sampaloc, sa naturang lungsod.

Ang salpukan ng dalawang motorsiklo ay nahagip at kitang-kita naman sa CCTV (closed-circuit television) footage ng Barangay 585 na nasasakupan ni Chairman Jerome Chua.

Habang binabaybay umano ni Mantica ang Santol St. sa northbound lane sakay ng Honda motorcycle at pagliko niya sa kaliwa ay nabundol ang unahang bahagi ng Yamahang motorsiklo na lulan naman ni Evangelista.

Dito tumilapon si Evangelista at dahil sa lakas ng impact, tumilapon ito nang may ilang metro at nabagok ang ulo nito sa semento na kanyang agad na ikinamatay.

Mabilis namang isinugod sa nasabing pagamutan si Mantica makaraang magtamo ng mga gasgas sa iba’t-ibang parte ng katawan nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung sino ang may pananagutan sa aksidente.

AUTHOR PROFILE