NDRRMC

1 PATAY, MAHIGIT 77K KATAO APEKTADO KAY ‘BETTY’

June 2, 2023 Zaida I. Delos Reyes 202 views

ISA ang naiulat na nasawi habang mahigit sa 77,000 katao ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Betty sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes, umabot sa 77,801 katao ang naapektuhan ng bagyo sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Cenral Luzon, Mimaropa at Western Visayas.

Bukod sa isang nasawi, nakapagtala din ng isang nasugatan.

Umabot naman sa P68,695 halaga ang napinsala ng bagyo sa imprastraktura at P25,000 naman ang nasira sa agrikultura.

Sinabi ni NDRRMC spokesperson Raffy Alejandro na minimal lamang ang naging epekto ng bagyo dahil naging handa naman ang lahat ng ahensya ng gobyerno upang pigilan ang epektong dulot ni Betty.

“The effects were very minimal. Our preparations paid off,” pahayag ni Alejandro.

Nasa P9.74 milyong halaga naman ng tulong ang naibigay ng gobyerno sa mga naapektuhan ng bagyo.

Ang bagyong Betty na nagdala ng malakas na ulan at hangin sa bansa at nagpalakas din ng hanging Habagat ay lumabas ng bansa nitong Huwebes ng hapon.