1 patay, 2 MPD pulis sugatan sa road mishap sa Sampaloc

November 14, 2021 Francis Naguit 113 views

ISA ang patay habang 3 ang sugatan kabilang ang dalawang tauhan ng Manila Police District-Barbosa Police Station 14, makaraang banggain ng 46-anyos na umano’y lasing ang isang motorsiklo, isang sasakyan at mobile car sa Sampaloc, Manila, Biyernes ng gabi.

Ang nasawi ay nakilalang si Mark Vincent Hermoso, 25, binata, office staff at residente ng Liberation St., Galas, Quezon City.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, multiple physical injuries at damage to property ang suspek na nakilalang si Russelle Besabe, 46, may asawa, igovernment employee at residente ng La Loma St., Quezon City.

Nasa Chinese General Hospital ang mga sugatan na sina Angelica Ajon, 24, bank teller, residente ng A.H. Lacson St., Sampaloc; Anthony Quizon, 30, binata at George Danne Navida, 30, pawang mga miyembro ng MPD Barbosa Police Station 14,

Nagawa pang maisugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Hermoso subalit dakong 12:32 ng madaling araw nang ideklarang siyang dead on arrival ni Dr. Manuel Arkoncel ng Jose Reyes Memorial Medical Center.

Batay sa ulat ni P/Cpl.Francis Conwi ng MPD – Traffic Enforcement Unit at siyang may hawak ng kaso, bandang 11:14 p.m. nang maganap ang insidente sa Andalucia St. malapit sa Lerma St.

Ayon sa ulat ng pulisya , habang binabagtas ni Hermoso, lulan ng motorsiklo, kasabay nito ang sasakyan ng isang Reggie Capuso, 34, nang mabundol ang likurang bahagi ng dalawang sasakyan.

Tumilapon ng may ilang metro si Hermoso at nabagok ang ulo nito sa semento.

Dito na rumesponde sakay ng mobile car #150 sina Quizon at Navida, nang itawag ng isang concerned citizen ang insidente.

Habang uma-assist ang dalawang pulis sa insidente na umabot sa underpass ng North bound ng Andalucia sakop ng Quiapo, bigla umanong humarurot si Besabe at bumangga ito sa dalawang pulis at sa mobile car kung saan naroroon umano sa loob si Ajon.

Dito na sumaklolo ang ambulansiya ng Medic of Eagles Response Team, at mabilis na isinugod sa ospital ang mga biktima.

Wasak ang mobile car at ang sasakyan ni Capuso.

Bago itinurn-over si Besabe sa Traffic Bureau, isinailalim ito sa medical checkup sa Justice Jose Abad Santos General Hospital at lumitaw na nakainom ito ng alak. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE