1 pang ‘Utto’ crime gang member tiklo sa Taguig

June 4, 2022 Edd Reyes 152 views

ISA pang miyembro ng kilabot na “Utto Robbery Holdup Group” ang nadakip ng pulisya nito lamang araw ng Huwebes sa Taguig City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg, nakatanggap ng impormasyon sa Barangay Information Network (BIN) ang mga tauhan ng Taguig Police Intelligence Section na namataang gumagala sa Bgy. Central Bicutan ang suspek na isa sa mga miyembro ng naturang grupo na responsable sa serye ng mga nagaganap na panghoholdap at pagpapakalat ng ilegal na droga sa Lungsod ng Taguig.

Kaagad na nagtungo sa naturang barangay ang mga tauhan ni P/Col. Robert Baesa, hepe ng Taguig City Police dakong alas 12:30 ng madaling araw hanggang matiyempuhan nila ang suspek sa kahabaan ng A. Bonifacio St. habang naglalakad na may nakabukol pang puluhan ng baril sa kanyang baywang na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Isang kalibre .38 baril na may kargang dalawang bala at isang basyo ng 40mm na grenade launcher ang nakumpiska sa kanya ng pulisya.

Magugunita na noon lamang nakaraang linggo, una ng nahuli ng pulisya ang isang alias “Noy” na siyang naatasang maniktik sa mga establisimientong kanilang hoholdapin habang may iniikutang establisyimento sa Upper Bicutan na kanila sanang magiging target.

Kumpiyansa si BGen. Macaraeg na nalalapit na ang tuluyang “pagbuwag” sa naturang grupo dahil isa-isa ng bumabagsak sa kamay ng pulisya ang kanilang miyembro.

AUTHOR PROFILE