Default Thumbnail

1 pang sanggol inabandona sa Caloocan

May 30, 2022 Edd Reyes 336 views

PANIBAGONG insidente ng pag-abandona sa isang sanggol ang naitala Linggo ng hapon sa Caloocan City.

Dakong alas-5 ng hapon nang mamataan ni Irene Miguel, 45, kagawad ng Barangay 120, BMBA Compound sa 2nd Avenue sa naturang lungsod ang 15-anyos na dalagitang may kapansanan sa pagsasalita at pandinig na karga ang isang tatlo hanggang apat na buwang gulang na sanggol na lalaki habang nakaupo sa sementong upuan ng multi-purpose hall ng barangay.

Nilapitan at hinimok ng kagawad ang dalagita na sumama sa kanya sa loob ng barangay hall upang alamin kung kanino anak ang sanggol na kanyang karga.

Pagdating nila sa barangay hall, tinangkang kunin ng mga opisyal ng barangay ang sanggol sa dalagita subalit pumalag at nagalit ang menor-de-edad kaya’t inalam nila kung sino ang kanyang magulang.

Nagawa namang kontakin ng mga opisyal ng barangay ang ina ng menor-de-edad na dalagita at sa pamamagitan ng video call, tiniyak niyang hindi sa kanila ang kargang sanggol ng kanyang anak kaya’t ipinasiya ng mga opisyal ng barangay na kunin ang bata upang mailagay sa wastong pangangalaga.

Dahil patuloy na nagpumiglas ang dalagita sa pagnanais na huwag ibigay ang sanggol, pinapunta na ng mga opisyal ng barangay ang ina ng bata na si Elniña Macay, 30, ng Int. 101 Disiplina Village Bignay, Valenzuela City sa kanilang barangay upang siya na ang kumausap sa anak.

Dakong alas-7 na ng gabi nang makarating sa barangay hall ang ina ng dalagita at pamamagitan ng senyas, sinabi nito sa ina na iniwan sa kanya ang sanggol ng isang hindi niya kilalang lalaki na sakay ng motorsiklo.

Nang makarating sa kaalaman ni Caloocan Police Chief P/Col. Samuel Mina ang insidente, kaagad niyang inatasan ang mga tauhan ng Women and Children Protection Desk (WCPD) na magresponde sa lugar upang matukoy kung sino ang ina ng sanggol.

Pinayuhan naman ng mga nagrespondeng pulis ang mga opisyal ng barangay na makipag-ugnayan sa Caloocan City Social Welfare and Development upang matugunan ng maayos ang pangangailangan ng sanggol.

Magugunita na noong nakaraang Biyernes ng tanghali, isang bagong silang na sanggol din ang iniwan ng isang babae sa ilalim ng puno sa may Capt. M. Reyes St. Bgy. Bangkal, Makati City na ngayon ay nasa pangangalaga na ng Makati City Social Development Center habang hinahanap pa ang babaing nag-abandona sa kanya.

AUTHOR PROFILE