1 dedo, 2 sugatan sa karambola ng 3 sasakyan sa Batangas
PATAY ang isang obrero at dalawa pa ang sugatan nang makabanggaan ng kanilang tricycle ang dalawang sasakyan sa Bgy. Pangao, Ibaan, Batangas, Linggo ng gabi.
Nakilala ang ang nasawi na lalaking 57-anyos, tubong San Miguel, Bulacan. Nakilala naman ang dalawang sugatan na isang 51-anyos na drayber ng motorsiklo at 38-anyos, pawang residente ng Bgy. Matala, Ibaan, Batangas.
Residente ng Bgy. Laiya Ibabaw, San Juan, Batangas si Michael, 25, ang suspek sa pagkamatay ng obrero, ayon sa mga pulis.
Ayon sa report, bandang 7:30 ng gabi ng Oktubre 15, 2023, isang tawag mula sa isang residente at ine-report ang nasabing insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon, minamaneho ng 51-anyos na biktima ang tricycle nang aksidenteng makabanggaan ang isang Toyota Revo (XBN- 710) na minamaneho ng suspek.
Matapos ang bangaan ng tricycle at Revo, na- sideswipe ang isang Toyota Wigo (DBF 4755) na nakaparada sa kaliwang bahagi ng kalsada.
Isinugod sa Queen Mary Hospital ang mga nasugatan pero idineklarang patay na ang obrero ng attending physician na si Dra. Ana Samonte.