Fake Ang mga nasamsam na pekeng COVID test kits

₱150M pekeng COVID test kits, medisina nakumpiska ng BOC; Chinese nat’l, naaresto

January 23, 2022 People's Tonight 187 views

NAKUMPISKA ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) kamakailan ang tinatayang aabot sa ₱150 milyong halaga ng mga pekeng COVID-19 antigen test kits, LianHua Chinese medicines, counterfeit face masks, at copyright-infringed branded goods sa isang bodega sa Maynila, na nagresulta rin sa pagkakaaresto ng may-ari nito, na isang Chinese national.

Ang operasyon ay kasunod nang pagpapatupad ng grupo, na binubuo ng mga miyembro ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU), at Philippine Coast Guard (PCG), ng Letter of Authority (LOA) Ref. No. 01-20-006-2022 with Mission Order Ref. No. 01-20-2022-046 na inisyu at nilagdaan ni Customs Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero.

Ayon kay CIIS-MICP chief Alvin Enciso, bago ang implementasyon ng LOA ay nakipag-koordinasyon muna sila sa mga lokal na barangay at Philippine National Police (PNP).

Pagdating sa storage facility na matatagpuan sa 555 Carlos Palanca, San Miguel, Manila, ipinaliwanag ng grupo ang probisyon at layunin ng LOA sa building administrator.

Sa pag-iinspeksiyon ng grupo, natuklasan na ang bodega ay naglalaman ng ₱150 milyong halaga ng libu-libong Clungene COVID-19 antigen test kits, counterfeit LianHua Chinese herbal medicines, at mga pekeng 3M N95 face masks.

Nakadiskubre rin ang grupo ng intellectual property rights (IPR) infringed goods gaya ng mga apparel na may kilalang brands gaya ng Nike, Fila, Converse, Adidas, gayundin ng Louis Vuitton at Gucci bags, wallets, phone accessories, at iba pa.

Naaresto rin ang may-ari ng bodega na isang Chinese national.

Pinuri naman ni Customs Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro ang pagsusumikap na masugpo ang illegal smuggling ng mga counterfeit COVID-19 test kits at mga gamot, ngayong panahong ang mga Pinoy ay nagnanais na magkaroon ng access sa medisina at mga kahalintulad na pagsusuri.

“Definitely the owner of the warehouse will face the brunt of the law. This is not the first time and not the last time we will see these groups operating on our shores. Our job here is to make sure these don’t get into the local markets, and to stop any future attempts at selling counterfeit goods to our kababayans,” aniya.

Nabatid na ang naarestong Chinese national ay mahaharap sa iba’t ibang kaso na may kaugnayan sa paglabag Sec. 1401 (Unlawful Importation/Exportation) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) Law at Section 1113 (Property Subject to Seizure and Forfeiture) paragraph (l) (5) ng CMTA law in relation to Sec. 118 (Prohibited Importation and Exportation) paragraph (e).

Nilabag rin umano nito ang Food and Drug Administration (FDA) rules and regulations.

Pansamantalang ipinadlak at sinelyuhan ang naturang bodega upang i-secure ang mga imported products na nakaimbak doon hanggang sa makumpleto ang inventory ng mga goods na isasagawa ng Customs examiner at sasaksihan ng CIIS, NBI, at PCG.

Samantala, ikinalungkot naman ni Guerrero na nagsisimula pa lang ang taon ay marami na silang natatanggap na ulat hinggil sa paglaganap ng mga naturang counterfeit goods na ipinagbibili sa lokal na merkado.

Ikinalungkot rin niya na pinipili ng mga taong ito na biktimahin ang mga Pinoy na nagdurusa na nga sa nakalipas na taon dahil sa pandemya ng COVID-19.

“The only thing I can think of is how ruthless they are in robbing Filipinos at a time like this. When you sell fake COVID-19 test kits and face masks—not knowing what could happen with a fake result—you are not just stealing; you’re the primary reason why some of our kababayans could be making fatal decisions,” dagdag pa ni Guerrero.

“This is unacceptable not only because we are in a pandemic, but because we have already suffered for so long from these individuals. It’s really time to put a stop to it for good,” aniya pa.

Tiniyak naman ni Ramiro na higit pa nilang palalakasin ang kanilang border control capacities upang matigil na ang pagpasok ng illegal goods sa bansa.

AUTHOR PROFILE